MANILA, Philippines - Dalawang Chinese-Malaysian national ang dinukot umano ng pinaghihinalaang mga bandidong Abu Sayyaf sa isang beach resort sa Savangkat Island, Semporna, Malaysia at tinangay patungong Tawi-Tawi, ayon sa ulat kahapon.
Sa phone interview kay Lt. Col. Vicente Blanco, Executive Officer ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 2, kinidnap habang kumakain sa Pulau Sibuan Island Resort dakong alas-2 ng hapon noong Martes sina Chen Vul Chung, 42 anyos; Lai Vul Chau, 33; pawang residente ng Lahad Datu, Malaysia at anak ng mayari ng Tamaco Plantation sa Lahad.
“Pulau Sibuan Island Resort is just 14 to 16 hours by speed boat at a sped of 10 knots to Sibutu Island in Tawi-Tawi,” anang kalkulasyon ng nasabing opisyal.
Naghihinala umano ang Malaysian authorities na ang grupo ni Abu Sayyaf Commander Albader Parad ang bumihag sa mga biktima dahil ang mga kidnappers ay sumakay ng speedboat na tinahak ang direksyon ng Sibutu Island, Tawi-Tawi.
“Our Marine troops in the area is still checking the validity of the report and the identification of the kidnappers, but we cannot confirm yet if the group of Albader Parad was behind the abduction as reported,” ani Col. Ronnie Ordoyo, Deputy ng AFP- Western Mindanao Command.
Sa kabila nito, sinabi ni Ordoyo na pinakilos na nila ang MBLT2 at mga Naval Units upang galugarin ang Tawi-Tawi para hanapin at iligtas ang mga biktima sakaling dito nga sila tinangay ng mga bandido.
Nang tunguhin ng kanilang tropa at galugarin ang Sibutu Island kamakalawa ay nabigo naman silang matagpuan ang dalawang biktima.
Magugunita na noong Abril 23, 2000 ay nasa 21 katao na karamihan ay Europeans ang dinukot ng Abu Sayyaf sa Sipadan resort, Malaysia kung saan ang mga bihag ay itinago sa lalawigan ng Sulu.