Identity cards sa mga dayuhan, iisyu ng Immigration

MANILA, Philippines - Sinimulan na ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-iisyu ng identity cards sa mga dayuhang turista na nagnanais mapalawig ang pananatili nila dito sa bansa.

Ayon kay Atty. Floro Balato Jr., tagapagsalita ng BI, sinimulang ipatupad ang programa noong Enero 19, labing limang araw matapos maisapubliko ang implementing guidelines sa mga pahayagan.

Sa ilalim ng regulasyon, iisyuhan ng Alien Certificate of Registration I-Card (ACR I-Card) ang mga non-restricted foreign tourists na nabigyan ng 59 days ng pananatili sa bansa.

Obligado ring kumuha ng identity cards ang lahat ng dayuhan na na-isyuhan ng special study permit (SSP) at special work permit (SWP).

Ayon kay Balato, ang bagong polisiya ay bahagi ng modernize at pinaigting na seguridad ng alien registration, identification, at monitoring systems ng ahen­sya. (­Gem­ma Amargo-Garcia)

Show comments