MANILA, Philippines - Dumulog kahapon sa Commission on Election si Atty. Sixto Brillantes upang ireklamo ang pagkalat ng isang draft decision na umano’y nagdidiskuwalipika kay Congressman Abraham Mitra bilang kandidato ng Liberal Party sa pagka gobernador ng Palawan.
Sinabi ni Brillantes sa kanyang petisyon na noong Sabado pa ay may ipinakakalat nang kopya ng draft decision ang kampo ni Pepito Alvarez na kalaban naman ni Mitra sa pagka-gobernador.
Gayunman, kapuna-punang walang lagda ng tatlong komisyuner ng Comelec first division ang nasabing draft decision.
Pinapakalat pa umano ng kampo ni Alvarez ang opisyal na promulgation ng draft resolution ng First division na takdang ilabas sa Pebrero 10.
Nababahala naman si Mitra sa maaaring maging epekto ng nasabing pangyayari sa opisyal na resolusyon sa kaso. (Gemma Amargo-Garcia)