Pag-apruba sa EVAT exemption sa mga senior citizens pinamamadali

MANILA, Philippines - Nanawagan na rin si Parañaque Rep. Eduardo Zialcita para sa tuluyang pag-apruba sa “Expanded Senior Citizen Act of 2010” na nagbibigay ng exemption sa mga senior citizen sa EVAT (expanded value added tax).

“Isang malaking kasa­lanan para sa mga senior citizen ang kabiguan ng gobyerno na makumpleto ang proseso ng batas,” giit ni Zialcita na siyang pa­ngu­nahing may-akda ng natu­rang batas sa Kamara.

Ipinagtataka ni Zialcita ang patuloy na pagkaka­bitin ng panukalang batas gayong may pahayag na ang Malakanyang na suportado ni Pangulong Gloria Arroyo ang hakbang at nakahanda na itong lagdaan upang maging ganap na batas.

Nais ngayon malaman ng kongresista ang kato­tohanan sa likod ng mga impormasyon na umano’y hindi pa naisusumite sa tanggapan ng Pangulo ang “enrolled copy” ng batas na pinagtibay kapwa ng Kongreso at Senado.

Sinabi pa nito na taon nang tinatalakay sa dala­wang kapulungan ng Kon­greso ang panukala at naghintay ang mga bene­pisaryo nito kaya’t marapat lamang na ma­tapos na ang proseso bago maba­lewala ang pinaghirapan ng lahat sa pagpapatibay nito.

“Hindi dapat malagyan ng pulitika ang isinusulong na batas lalo’t ang mga makikinabang rito ay mga matatanda na naglingkod na at nagbigay na ng kani­lang bahagi sa pag-usad ng bayan,” diin ni Zialcita.

Sa datos nito, umaabot na sa 4 na milyong senior citizen ang inaasahang makikinabang sa exemption sa value-added tax. (Danilo Garcia)

Show comments