Pag-apruba sa EVAT exemption sa mga senior citizens pinamamadali
MANILA, Philippines - Nanawagan na rin si Parañaque Rep. Eduardo Zialcita para sa tuluyang pag-apruba sa “Expanded Senior Citizen Act of 2010” na nagbibigay ng exemption sa mga senior citizen sa EVAT (expanded value added tax).
“Isang malaking kasalanan para sa mga senior citizen ang kabiguan ng gobyerno na makumpleto ang proseso ng batas,” giit ni Zialcita na siyang pangunahing may-akda ng naturang batas sa Kamara.
Ipinagtataka ni Zialcita ang patuloy na pagkakabitin ng panukalang batas gayong may pahayag na ang Malakanyang na suportado ni Pangulong Gloria Arroyo ang hakbang at nakahanda na itong lagdaan upang maging ganap na batas.
Nais ngayon malaman ng kongresista ang katotohanan sa likod ng mga impormasyon na umano’y hindi pa naisusumite sa tanggapan ng Pangulo ang “enrolled copy” ng batas na pinagtibay kapwa ng Kongreso at Senado.
Sinabi pa nito na taon nang tinatalakay sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang panukala at naghintay ang mga benepisaryo nito kaya’t marapat lamang na matapos na ang proseso bago mabalewala ang pinaghirapan ng lahat sa pagpapatibay nito.
“Hindi dapat malagyan ng pulitika ang isinusulong na batas lalo’t ang mga makikinabang rito ay mga matatanda na naglingkod na at nagbigay na ng kanilang bahagi sa pag-usad ng bayan,” diin ni Zialcita.
Sa datos nito, umaabot na sa 4 na milyong senior citizen ang inaasahang makikinabang sa exemption sa value-added tax. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending