MANILA, Philippines - Ipatutupad ngayong araw ang pagtataas ng presyo ng pandesal at loaf bread bunga umano ng pagtaas ng presyo ng asukal.
Ito ang kinumpirma kahapon sa pulong-balitaan sa Tinapayan sa Dapitan, Sampaloc ni Walter Co, presidente ng Philippine Baking Industry.
Aniya, dagdag P2 para sa loaf bread na tumitimbang ng 600 gramo habang P1 naman sa kada balot ng pandesal na naglalaman ng 10 piraso.
Hindi na umano maiiwasan ang pagtaas ng presyo ng tinapay dahil umabot na sa P19 ang itinaas ng kada kilo ng asukal simula noong bagyong Ondoy.
Tumaas din umano ang presyo ng harina, mantika, itlog, gatas at iba pang sangkap sa paggawa ng tinapay.
Sinabi naman ni Lucito Chavez, Vice President ng Philippine Federation of Bakery Association Inc. (PFBAI) kailangan ding makabawi sa puhunan ang mga panadero kaya nagkasundo sila na itaas ang presyo. (Ludy Bermudo/ Doris Franche)