MANILA, Philippines - Dalawang mag-nobyong Pinoy ang nasawi matapos na umano’y sunugin ng lalaki ang kanilang inuupahang flat sa Cyprus, dahil sa matinding selos.
Batay sa ulat na nakarating sa tanggapan ng Department of Foreign Affairs (DFA), nakilala ang mga nasawi na sina Nardino “Nardy” Nuquid, 35, tubong Pampanga at Mary Rose Castanas-Saldiva, 39, tubong Samar.
Naganap umano ang sunog dakong 5:00 ng ma daling-araw noong Enero 27, sa inuupahang tahanan ng mga biktima sa Prevesis St. sa Nicosia, Cyprus.
Ayon sa mga kapitbahay ng mga biktima, nagising na lamang umano sila dahil sa komosyon sa labas at nang kanilang tingnan ay nakita nila ang usok na nagmumula sa kuwarto ng mga biktima.
Tinangka pa umano ni Marisol, kapatid ni Mary Rose, na iligtas ang kapatid at puwersahang binuksan ang pintuan ng kuwarto ng mga biktima.
Gayunman, nang mabuksan ito, sinubukan uma no ni Mary Rose na lumapit sa kapatid ngunit hinila umano ito ni Nuquid pabalik sa nasusunog na kuwarto.
Matapos ang 10 minuto ay dumating na umano ang tinawagan nilang mga pamatay-sunog ngunit huli na, dahil patay na ang mga biktima.
Sinasabing nakakita ang mga arson investigator ng isang plastic container na may lamang petrol sa loob ng kuwarto, kaya’t naniniwala ang mga ito na sinadya ng lalaki ang sunog, matapos na muling mag-away ang mga ito.
Sinasabi ring madalas umanong mag-away ang mga biktima nitong mga nakalipas na araw dala ng labis na selos.
Tiniyak naman ng DFA na pagkakalooban nila ng kaukulang tulong ang pamilya ng mga biktima at kaagad rin umano nilang aayusin ang pagpapabalik sa bansa ng mga bangkay ng mga ito.