MANILA, Philippines - Maituturing na matagumpay sa kabuuan ang dalawang oras na mock election na idinaos ng Commission on Election sa ilang lugar sa bansa kahapon.
Sinabi ni Comelec Chairman Jose Melo, mabilis nilang natanggap ang poll results mula sa walong polling precincts sa Taguig City, Quezon City, Baguio City, Cebu City at Davao City, kung saan isinagawa ang mock elections at tanging ang Maharlika Elementary School sa Taguig ang sumablay matapos na hindi maitransmit sa Central server ng Comelec sa Intramuros, Maynila, ang resulta ng election dito.
Nagkaroon lamang aniya ng ilang aberya gaya ng pag-rereject at pag-jajam ng ilang balota sa PCOS machines kaya kinakailangan na i-restart ito. May ilang balota din na idineklarang void ng Board of Election Inspector matapos na lagyan ng check ng botante sa halip na itiman ang buong bilog sa balota.
Tiniyak naman ng Comelec na agad nilang sosolusyunan ang mga nasabing problema para hindi na muling maulit sa Mayo 10.
Nagsimula ang mock election dakong alas-8 ng umaga kung saan pangalan ng mga bayani ang ginamit para sa kandidato sa pagka-presidente habang pangalan ng mga local na banda ang ginamit para sa mga kandidato sa national position.
Sinabi naman ni Comelec Spokesman James Jimenez na 30-pulgada ang haba ng balotang ginamit sa mock election habang ang tunay na balota ay mas maikli dito ng limang pulgada.
Iimprenta naman ng National Printing Office ang official ballots ngayong araw. (Mer Layson)