2 mahistrado humabol sa Supreme Court nomination
MANILA, Philippines - Dalawa pang mahistrado ng Korte Suprema ang humabol para mag-aplay sa babakantehing posisyon ni Supreme Court (SC) Chief Justice Reynato Puno na mag reretiro sa darating na May 17.
Ito ay sina Associate Justice Arturo Brion na inendorso ng Philippine Constitution Association at Associate Justice Teresita de Castro na inendorso naman ni retired SC Justice Minita Chico-Nazario.
Kapwa naman tinanggap nina Brion at de Castro ang nominasyon ng walang kondisyon.
Batay sa kanilang isinumiteng liham sa Judicial and Bar Council (JBC) ay lubos silang nagtitiwala sa mga probisyong isinasaad sa Saligang Batas.
Una ng tinanggap ni SC Justice Renato Corona ang nominasyon para sa pagka-Punong mahistrado ng wala ring ibinibigay na kondisyon, habang sina Justices Antonio Carpio at Conchita Carpio-Morales naman ay tinanggap ang nominasyon sa kondisyong sa susunod na pangulo ng bansa isusumite ng JBC ang kanilang shortlist.
Kasama naman sa mga outsider na nagsumite ng aplikasyon ay sina special prosecutor Dennis Villa Ignacio, dating Malabon RTC Judge Florentino Floro at Deputy Ombudsman for Luzon Atty. Victor Fernandez. (Gemma Garcia)
- Latest
- Trending