MANILA, Philippines - Kasado na ang idaraos na mock elections ng Commission on Elections sa ilang bahagi ng bansa ngayong araw.
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, sisimulan ito dakong 7:00 ng umaga at matatapos ng 6:00 ng gabi, tulad din ng aktuwal na botohan sa Mayo 10.
Layunin ng naturang aktibidad na masubukang muli ang kakayahan ng mga precinct count optical scan (PCOS) na gagamitin sa automated elections.
Tinatayang aabot sa 6,909 registered voters mula sa Luzon, Visayas at Mindanao ang makakalahok.
Sa Metro Manila, isasagawa ang mock elections sa New Era Elem. School sa Quezon City; Maharlika Elem. School at Gen. Ricardo Papa Memorial High School sa Taguig City.
Samantala, nilinaw ni Larrazabal na magkaiba ang mock elections kumpara sa field test na una na nilang isinagawa noong Enero.
Ang field test ay nakatutok lamang sa transmission habang ang mock elections naman ay tututok sa buong proseso ng halalan mula sa pagboto, scanning ng mga balota sa poll machine para sa pagbilang, pag-imprenta ng election results (ERs), electronic transmission ng resulta ng boto patungo sa canvassers at servers hanggang sa automated canvassing ng resulta ng halalan. (Mer Layson)