MANILA, Philippines - Kahit pa magpa-sex change ay hindi kailanman matatakasan ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang batas matapos itong pumuslit sa bansa kaugnay ng kinakaharap na Dacer-Corbito double murder case.
Ito ang mariing inihayag kahapon ni dating police agent at anti-drug whistleblower Mary Rose “Rosebud “ Ong kasabay ng paghamon kay Ping na lumantad at harapin ang kasong kriminal kung wala itong kinatatakutan at wala ni isa kataong pinatay.
“Act like a statesman-defend yourself in court. Come home and face the music, kahit magpa-sex change ka ngayon, Ping ka pa rin at haharap ka sa amin,” ani Rosebud sa press briefing sa Camp Aguinaldo.
Si Lacson ay sinasabing tumakas sa bansa patungong Hongkong noong Enero 5 at may report na nasa Australia na.
Ayon kay Rosebud hindi lamang Dacer-Corbito ang kasong karumal-dumal na krimen na kinasasangkutan ni Lacson dahil sangkot rin umano ito sa kasong kidnapping for ransom sa dalawang Chinese trader na sina Chong Hiu Ming at Wong Kam Chong noong Disyembre 1998 at Marso 26, 1999 kung saan siyam na taon ang kanilang hinintay para malitis at maparusahan ng batas ang Senador.
Binigyang diin pa ni Rosebud na naturingan pang dating Chief PNP si Ping subali’t ito umano ang numero unong lumalabag sa batas.
“You became a lawbreaker and yet a top class lawbreaker. Your victims took bullets from you and were silenced. Stop pointing fingers at others. Blame no one but yourself,” patutsada pa ni Rosebud.
Idinagdag pa ni Rosebud na tumakas si Ping dahil takot itong maposasan pero di nito alam ay kakadenahan ito sa ibang bansa kapag nahuli roon at ipatatapon pabalik sa Pilipinas na mas kahiya-hiya kaya mabuti pang lumantad ito saka harapin ang mga kasong kriminal sa bansa. (Joy Cantos)