Brown sugar na lang ang gamitin - DTI
MANILA, Philippines - Dahil sa hindi maawat na pagtataas ng mga retailer sa halaga ng asukal, pinayuhan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang publiko na gumamit na lamang ng “brown sugar” na mas mura kahit pansamantala lamang.
Sinabi kahapon ni DTI Undersecretary Zenaida Maglaya na nasa P54 kada kilo na ang bentahan ng puting asukal ngunit sa ibang palengke, ibinibenta ito ng higit sa naturang halaga hanggang P60 kada kilo habang mas mababa naman sa P50 kada kilo ang halaga ng brown sugar.
Nag-umpisa umano ang pag-akyat ng halaga ng puting asukal nang tumama ang bagyong Ondoy at Pepeng sa bansa mula P38 kada kilo noong nakaraang taon patungo sa P54 kada kilo ngayon.
Muli namang nangako ang DTI na mahigpit na babantayan ang mga “manufacturers” ng ibang mga produkto na sangkap ang asukal tulad ng soft drinks, fruit juices, tinapay, biskwit, at iba pa.
Samantala, sinabi naman ni Philippine Association of Supermarkets Inc. secretary general Federico Ples na wala pa sa kanilang miyembro ang nagtataas sa halaga ng mga “sugar based product”. Ito’y bagaman may pahiwatig ang kanilang mga supplier ng dagdag-presyo.
Maaari rin umano na hindi galawin ng mga manufacturers ang halaga nila dahil sa pangamba na baka hindi na bumenta sa publiko at malugi lamang. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending