MANILA, Philippines - Nababahala ang Department of Health (DOH) at Philippine Cancer Society, Inc. (PCSI) sa paglobo ng bilang ng “breast cancer victim” sa Metro Manila at Rizal at nalagpasan na ang lung cancer.
Ayon kay Health Secretary Esperanza Cabral at PCSI Chairman Dr. Roberto Paterno, dapat paigtingin ang prevention at detection ng naturang sakit sa mga kababaihan.
Sinabi pa ni Paterno na nagbibigay ng libreng mammogram at fine needle aspiration biopsy ang PCSI sa mga mahihirap na nais malaman kung may taglay na cancer. Inamin pa rin ni Paterno na wala pang epektibong detection method para maagapan ang lung cancer kung saan natutukoy lang kung malala na ang sakit kaya mas makabubuting umiwas sa paninigarilyo na kadalasang nagiging sanhi ng lung cancer.
Kabilang sa top 10 cancer sa mga lalaki at babae ang breast cancer, lung, liver, cervix, colon, thyroid, rectum, ovary, prostate at non-Hodgkin Lymphoma.
Para naman sa mga kalalakihan lamang, ang five common cancer sites ay lung, liver, prostate, colon at rectum.
Naitala ang pag-aaral noong 1998-2002 at kinumpirma naman ito ng International Agency for Research on Cancer.
Ang libreng konsultasyon ng PCSI ay tuwing Lunes-Miyerkules mula alas 8-10 ng umaga sa #310 San Rafael St., San Miguel, Manila o kaya’y mag-log-on para sa ilang impormasyon sa www.philcancer.org. (Doris Franche/Ludy Bermudo)