MANILA, Philippines - Nakatakda nang dumating ang ika-apat at ikalimang batch ng mga Pinoy na nakaligtas sa lindol sa Haiti ngayong Huwebes at Biyernes.
Ang ikaapat na batch na binubuo ng 11 Pinoy ay darating ngayong araw sakay ng PAL flight PR-103 dakong alas-5:30 ng madaling-araw. Sa Biyernes, 29 evacuees naman ang lalapag sa Ninoy Aquino International Airport Centennial terminal 2 lulan ng PAL flight PR-103.
Naantala ang pagdating ng ilang Filipino survivors dahil sa kakulangan ng requirement matapos na marami silang pinagdadaanang bansa.
Mula Haiti, unang inihayag na dadaan muna ang mga Filipino repatriates sa Dominican Republic saka sasakay ng eroplano papuntang Los Angeles o San Francisco sa Estados Unidos para sa connecting flight pauwi sa Pilipinas.
May 70 Pinoy ang nagpasyang lumikas sa Haiti dahil sa nararanasang krisis dito bunga ng magnitude 7 na lindol habang may 7 Pinoy ang nagpasyang manatili sa nasabing bansa. (Ellen Fernando)