MANILA, Philippines - Bilyong piso ang nawawalang oportunidad sa bansa dahil sa pagkabigong magawa ang mga kailangang infrastructures tulad ng tulay at daan upang lumago ang ekonomiya. Sinabi ni Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro sa Federation of Filipino-Chinese Chambers of Commerce Inc. (FFCCCI), dapat ay maging prayoridad ng susunod na administration ang seryosong investment sa mga infrastructures.
Wika ni Gibo, mahalaga na maituloy ang mga proyektong nasimulan ng gobyerno dahil ito ang kailangan para sa mabilis na transportasyon. Sakaling siya ang mananalo sa darating na presidential race ay nais niyang gumawa ng ‘seamless system transportation’ tulad ng SLEX, SCTEX, NLEX.
Ambisyon din niyang mapagdugtong ang isla ng Luzon, Visayas at Mindanao sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga tulay at tunnels upang mapabilis ang transportasyon bilang kapalit ng Roll-On-Roll-Off (RORO).
Nagawa ito ng mga kalapit-bansa natin sa Asya kaya wala anyang dahilan upang hindi din natin ito magawa. (Rudy Andal)