MANILA, Philippines - Inaprubahan na ng bicameral committee ng 14th Congress ang Philippine Immigration Act of 2009, na magbabago sa Bureau of Immigration (BI) bilang major player sa pag-akit ng foreign investments at paglikha ng trabaho, maliban sa pagpapanatiling ligtas sa bansa sa undesirable aliens at terorista.
Matapos plantsahin ang ilang gusot, nagkakaisang inaprubahan ng mga kinatawan ng Senado at Kamara ang bill sa consolidation process na pinangunahan ni Sen. Francis Escudero sa Recto Hall ng Senate of the Philippines. Ang Senado ay kinatawan nina Escudero, chairman ng Senate Committee on Justice, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri and Sen. Allan Peter Cayetano.
Kabilang naman sina Committee on Justice chairman Matias Defensor, Junie Cua, Pedro Romualdo, Jesus Crispin Remulla, Edcel Lagman, Amelita Villarosa, Roman Romulo, Rufus Rodriguez at Justin Chipeco sa mga dumalo para sa Kamara.
Ang bill ay raratipikahan ng dalawang sangay ng Kongreso bago ipadala sa Malacañang para aprubahan ni Pangulong Arroyo.
Sa ngayon, napagkasunduan sa bicameral committee na bigyan ng one-year extension ang commissioner at tatlong sub-commissioners.
“Walang term ang commissioner, walang term ang deputy commissioners, may security of tenures ang mga empleyado ngayon ng Bureau of Immigration sa ilalim ng proposed measure, may carry over lang sila ng isang taon mula maging effective ang batas para maimplement nila ang batas na pinagpaguran at sila naman din mismo ang gumawa,” sabi ni Sen. Escudero. (Butch Quejada)