Noynoy, Villar pantay na sa survey

MANILA, Philippines - Halos pantay na ang rating nina Liberal Party Presidential bet Benigno “Noynoy” Aquino at Nacionalista Party standard bearer Manuel Villar.

Ito ang resulta ng survey na isinagawa ng pahayagang Manila Standard nitong katatapos na buwan ng Enero.

Lumitaw sa ginawang survey ng Manila Standard Today (MST) nitong Jan. 20–27 na may 2,500 respondents sa buong bansa, na 36% ang pumiling boboto kay Aquino at 34% naman kay Villar.

Dahil may 2 percent na margin of error sa MST survey, lilitaw na halos pantay na sina Villar at Aquino, paliwanag ni Pedro Laylo Jr, resident pollster ng MST.

Umangat si Villar ng pitong puntos, habang nalagasan si Aquino ng 10 puntos kumpara sa nakaraang survey noong Disyembre. Nasa pangatlong puwesto naman si dating Pangulong Joseph Estrada na 13%, mas mababa sa 17% noong Disyembre habang napako sa 5% ang rating ni Gilberto “Gibo” Teodoro.

Ang pag-angat ni Villar sa MST survey ay pagkumpirma sa bagong survey ng Social Weather Station (SWS) na ginawa nitong Jan 21-24, na may 2,100 respondents, kung saan pitong puntos na lang ang kalamangan sa kanya ni Aquino.

Nakakuha si Villar ng 35% sa SWS survey, mas mataas ng 8 points sa nakuha niyang 27% noong Dec 5-8 survey. Samantala, 4 puntos ang nalagas kay Aquino na dating may 46%.

Ang SWS at MST survey ay ginawa sa panahon na muling binuhay ng mga senador na kaalyado ng mga makakalaban sa panguluhang halalan ni Villar ang kontrobersiyal na C-5 Road projects.

Malaki umano ang nabawas na suporta kay Aquino sa bahagi ng Norte, habang lumaki naman ang suporta kay Villar sa Southern part ng bansa.

Samantala, kamakalawa ay binuksan ang bahagi ng C-5 at walang masabi ang mga motoristang dumaan dito kundi ang papuri sa proyekto dahil lumuwag ang daloy ng trapiko. (Butch Quejada)

Show comments