Ping nasa BI watchlist
MANILA, Philippines - Nasa watchlist na ng Bureau of Immigration si Senator Panfilo “Ping” Lacson na nahaharap sa kasong double murder case matapos siyang iugnay sa pagpatay kina dating PR man Bubby Dacer at Emmanuel Corbito noong taong 2000.
Sa hearing kahapon ng bicameral conference committee sa Senado kung saan tinalakay ang Philippine Immigration Act of 2009, kinumpirma ni BI Commissioner Marcelino Libanan na base sa kanilang record si Lacson ay lumabas ng bansa noong Enero 5, 2010 sakay ng Cathay Pacific CX 904 patungong Hong Kong.
Nilinaw nito na nakaalis na ng bansa si Lacson matapos itong ilagay sa watchlist o dalawang araw matapos itong pormal na kasuhan sa korte.
Mula sa Hong Kong ay hindi na umano sakop ng BI kung saan nagtungo o dumiretso si Lacson na napaulat din na nasa Australia.
Sinabi pa ni Libanan na hindi pa bumabalik si Lacson at hindi rin nila namo-monitor kung pumasok ito ng Pilipinas gamit ang ‘back door’ ng bansa.
Ipinaliwanag pa ni Libanan na nasa watchlist pa lamang nila si Lacson at walang hold departure order laban sa senador.
Ayon naman kay Justice Sec. Agnes Devanadera, kung tutuusin noon pa dapat nailagay sa watchlist si Lacson nang ihain ng DOJ sa Manila Regional Trial Court ang kasong double murder laban dito.
Sinabi ni Devanadera na noong January 7, nang ihain nila ang kaso laban kay Lacson sa korte sinabihan na niya si Libanan na isama sa watchlist order si Lacson na tatagal ng 60-araw.
Kaugnay nito, nagpalabas kahapon ng statement si Lacson kung saan sinabi niyang lumabas siya ng bansa upang hindi na magipit ng DOJ at ng Malacañang.
Sinabi ni Lacson na biktima siya ng ‘conspiracy’ ng mga tinawag niyang “stooge” sa DOJ at ng Malacanang kaya siya idinidiin sa kaso. Sa ngayon ay inaalala niya ang kaniyang personal na kaligtasan at seguridad.
Nilinaw din ni Lacson na wala siyang kasalanan at kaya siya lumabas ng bansa dahil umiiwas lamang umano siya sa sabwatan na nangyayari laban sa kaniya.
Para kay Sen. Miriam Defensor-Santiago, ang paglabas ng bansa ni Lacson ay indikasyon na umiiwas itong maaresto bagaman at wala pang warrant of arrest laban sa kaniya.
“Many other horrible things can happen in jails. So if I were Sen. Lacson I would do the same thing….because this is non-bailable …that’s the important thing,” sabi ni Santiago.
Maari lamang umanong gamitin ni Lacson ang kaniyang immunity na maaresto habang nasa loob ng Senado pero sa sandaling lumabas ito ng Mataas na Kapulungan ay maaari na siyang maaresto.
- Latest
- Trending