MANILA, Philippines - Hinikayat ni Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Alberto Suansing ang mga taxi drivers nationwide laluna sa Metro Manila na magreklamo sa kanyang ahensiya hinggil sa sobrang taas na boundary na sinisingil sa kanila ng kanilang mga operators.
Ayon kay Suansing, maaaring mapakialaman ng LTFRB ang usapin ng boundary ng mga taxi kapag nagreklamo ang mga ito sa kanyang tanggapan.
Sinabi ni Suansing na nauunawaan niya ang kundisyon ng mga taxi driver dahil sa kakarampot lamang ang kanilang kita mula sa maghapong pamamasada dahil sa taas ng halaga ng kanilang boundary.
“Minsan sinasabi P200.00 lang daw ang kita ng isang driver sa maghapong pamamasada dahil sa taas ng boundary, so para maaksiyunan ko yan, magreklamo sila sa LTFRB,” pahayag ni Suansing.
Sa ulat, umaabot sa P1,200 hanggang P1,800 ang halaga ng boundary ng mga taxi depende sa uri ng taxi unit at mas mataas ang boundary ng mga modelong unit.
Binigyang diin ni Suansing na oras na makatanggap siya ng reklamo mula sa mga taxi drivers para dito, mapipilitan ang LTFRB na magtakda ng tamang boundary sa mga taxi units nationwide.
Sa ngayon P30.00 ang patak ng metro ng taxi. Umaabot naman sa P27 ang halaga ng LPG per liter na ikinakarga sa karamihan sa taxi unit at ang gasoline ay umaabot sa P47.00 kada litro samantalang P35 ang kada litro ng diesel.
Sinabi ni Suansing na hindi naman dahilan ang mataas na halaga ng petrolyo para maitaas ng sobra ang boundary ng taxi kundi ito ay nasa maayos na pamamahala lamang ng negosyo upang lumaki ang kita ng mga taxi operators. (Angie dela Cruz)