MANILA, Philippines - Bibigyan ng proteksyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga kandidatong mangangampanya sa mga balwarte ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA).
Inihayag ito kahapon ni AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado kasunod ng mga ulat hinggil sa pamamayagpag ng pinaiiral na ‘permit to campaign’ at ‘permit to win’ ng mga rebelde laban sa mga kandidato na nagagawi sa kanilang mga teritoryo.
“We will secure them,” anang Chief of Staff na sinabi pang walang kailangan kundi ang makipagkoordinasyon lamang ang mga pulitiko sa pinakamalapit na himpilan ng militar sa lugar ng kanilang mga hurisdiksyon.
Batay sa report, sumisingil ang NPA ng P500,000 sa mga kandidatong gobernador; P300,000 sa bise gobernador, P200,000 pataas sa mga kandidatong Mayor at Sangguniang Panlalawigan member; P100,000 pataas sa mga kandidatong alkalde at P50,000 pataas para naman sa mga kandidatong bise alkalde atbp. kapalit ng pagpasok para mangampanya sa mga lugar na kanilang pinamumugaran.
Sinabi ni Ibrado na sa halip na matakot at tumalima sa pangongotong ng mga rebeldeng NPA ay dapat na isumbong ito ng mga kandidato sa mga awtoridad upang mabigyan ng kaukulang aksiyon. (Joy Cantos)