Pebrero 16, deadline ng War veterans

MANILA, Philippines - Sa Pebrero 16 na ang deadline para sa paghahain ng aplikasyon ng mga beterano ng World War II upang makuha ang inilalaang benepisyo sa kanila ng pamahalaan ng Amerika.

Sa isang advisory ng US Embassy, wala nang palugit na ibibigay matapos ang February 16 kaya’t dapat na samantalahin na ito ng mga beterano.

Pinayuhan din ng Embahada ang mga kuwalipikadong beterano para sa one-time benefits na huwag nang hintayin pa ang deadline at ihain ng mas maaga ang aplikasyon sa US Department of Veterans Affairs (USDVA) para agad mai-proseso ang mga ito.

Sa ilalim ng 2009 Filipino Veterans Equity Compensation provision ng American Recovery and Reinvestment Act (ARRA) of 2009, makakatanggap ng $9,000 ang mga non-US citizen o Filipino WW II veterans, habang $15,000 naman sa Filipino WWII veterans na may American citizenship.

Nauna ng iniulat ng USDA na mula noong Disyembre 29, 2009, umaabot na sa 11,300 eligible Filipino WWII veterans kasama ang kanilang mga biyuda ang ginawaran ng one-time benefits.

Nabatid na umabot na sa kabuuang P6.4 bilyon ang benepisyong naibigay sa mga WWII veterans ng pamahalaan ng Amerika noong nakaraang taon. (Mer Layson)

Show comments