2 Pinay nakalusot sa bitay, umuwi na
MANILA, Philippines - Nakauwi na kahapon sa Pilipinas ang dalawang Pinay na nakaligtas sa parusang bitay matapos na mabigyan ng commutation at pardon ni King Abdullah ng Kingdom of Saudi Arabia.
Ayon kay Consul General Ezzedin Tago ng Philippine Consulate sa Jeddah, kinilala ang dalawang OFW na sina Idan Tejano, tubong Batangas at Marjanna Sakilan (may pangalan ding Noraisa Talib Mabanding), tubong Jolo, Sulu na kapwa hinatulan ng ‘death by hanging’ ng Jeddah General Shari’ah Court noong Mayo 2004 matapos mapatay ang employer ni Tejano na isang buntis noong Mayo 21, 2001.
Labis naman ang pasasalamat ng dalawa kay Pangulong Arroyo, Konsulado at sa mga taong tumulong sa kanilang kalayaan maging ang Hari ng Saudi na nagbigay sa kanila ng commutation at pardon.
Base sa rekord, habang wala ang lalaking amo ni Tejano ay dinala ng huli ang kaibigang si Sakilan sa apartment ng amo at dito nila pinatay ang among babae na kasalukuyan noong nagdadalang-tao saka tinangay ang mga alahas nito. Nakita sa medical findings na nagtamo rin ng maraming saksak ang batang nasa sinapupunan ng babae.
Ang dalawa ay pinatawad ng Saudi King ma tapos ang letter of appeal ng Pangulo noong Setyembre 23, 2009. (Ellen Fernando)
- Latest
- Trending