Imprenta ng balota sisimulan na bukas
MANILA, Philippines - Uumpisahan na bukas ng National Printing Office (NPO) ang pag-iimprenta ng mga official ballots na gagamitin ng Commission on Elections (Comelec) sa idaraos na kauna-unahang automated elections sa bansa sa May 10.
Dahil dito, sinabi ni NPO Director Servando Hizon, na ngayon pa lamang ay hinigpitan na nila ang seguridad sa NPO at tiniyak na lahat ng taong papasok doon ay kanilang babantayan.
Naglagay na rin sila ng 12 closed-circuit television (CCTV) cameras sa loob ng NPO, bukod pa sa mga naka-install na sa labas ng tanggapan, ngunit ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, ay plano pa nilang dagdagan ang mga naturang camera para mabantayan ng mga watcher ng iba’t ibang political parties ang iba’t ibang bahagi ng NPO, partikular ang ballot printing area, anumang oras na naisin ng mga ito.
Nagtalaga na rin sila ng 64 security personnel na magbabantay sa ballot printing area ng 24 oras, sa loob ng pitong araw sa isang linggo, ngunit gagawing 100, sa sandaling pormal nang simulan ang printing ng mga balota.
Mahigpit na ring ipagbabawal ang pagpasok sa printing area sa nasabing panahon ngunit agad na nilinaw ni Larrazabal na maglalaan naman sila ng mga viewing rooms para sa mga taong nais na mag-obserba at magbantay sa pag-iimprenta ng mga balota.
Tinatayang P110 milyon ang ibinayad ng Comelec para sa paggamit ng espasyo, utilities at manpower ng NPO. Inaasahang tatagal ng 60 hanggang 70 araw ang pag-imprenta ng official ballots. (Mer Layson)
- Latest
- Trending