Kaanak ng mga testigo sa massacre hina-harass
MANILA, Philippines - Kinondena ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ginagawang harassment laban sa mga testigo at kaanak ng pamilya ng mga napatay sa Maguindanao massacre matapos ang pagpatay sa pinsan ni Ampatuan Vice Mayor Rasul Sangki at pagsunog sa bahay ng testigong hawak ng prosekusyon.
Sinabi ni Regional Director Ricardo Diaz, hepe ng NBI- Counter Terrorism Unit (CTU), na hindi masasabing nagkataon lamang na may kasong dinidinig at saka pa napatay sina Doc Uli, kaanak ni Sangki, at Talib Salahuddin, isang konsehal ng barangay ng Kakal, Ampatuan at ang panununog ng bahay ng testigong si Noh Akil.
Paliwanag ni Diaz, ang pangyayari ay matapos lamang tumestigo sa korte ni Rasul Sangki na nagdiin ng husto kay Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr. at ama nitong si dating Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr. bilang mastermind sa Nov. 23 massacre.
Hindi naman umano pinabayaan ng NBI ang kaanak ng mga testigo na inilagay nila sa secure na lugar subalit hindi naman umano maaring ang iba pang lahi ng mga testigo ay kalingain din.
Kailangan umano nilang magpatulong sa Philippine National Police (PNP) at military na nakatalaga sa lugar kung nasaan nakatira ang iba pang kaanak ng mga testigo, ani Diaz.
Noong Miyerkules ay napatay si Uli, si Salahuddin ay tinambangan habang naglalakad pauwi ng bahay habang ang bahay ni Akil ay sinunog naman noong nakalipas na linggo. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending