MANILA, Philippines - Nakaranas ng power loss ang Nomad plane bago ito bumagsak sa Cotabato City na ikinamatay ng siyam katao, kabilang ang isang heneral kamakalawa.
Ayon kay Brig. Gen. Carlix Donila, Wing commander ng 530th Air Base Wing, ito batay sa huling komunikasyon ng piloto sa Awang Airport control tower bago ito tuluyang bumulusok sa Barangay Rosary Heights 9 ng lungsod.
Dahil dito, ikinukonsidera nilang mechanical failure ang dahilan ng pagbagsak ng mahigit 30 years old na Nomad plane.
Aminado naman si Defense Secretary Norberto Gonzales na dahil sa kakapusan ng pondo ay walang magawa ang mga opisyal ng Defense at AFP kundi ang pagtiyagaan na lamang kung anong mga lumang aircraft ang nasa kanilang pangangalaga sa kasalukuyan.
Sa kabila ng binansagang mga ‘flying coffins’ ang mga eroplano ng PAF, sinabi ni Gonzales na mamamatay ang sinuman kung oras na nito.
“Ako nga lagi akong binibiro biro diyan, bakit ka naman sumasakay sa helicopter ng Air Force? Eh, wala tayo magagawa, ako nga katwiran ko nakatayo ka nga lang sa kalsada minsan masasagasaan ka pa,” ang sabi ng opisyal.
Inihayag naman ni PAF Spokesman Lt. Col. Gerry Zamudio na dumating na kahapon at ibinurol na sa gym sa himpilan ng PAF sa Villamor Air Base, Pasay City ang labi ng mga nasawing heneral at mga personnel nito. (Joy Cantos)