MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ni Senate Minority Leader Aquilino “Nene” Pimentel Jr., si Pangulong Gloria Arroyo dahil sa pagtangging pirmahan kaagad ang Expanded Senior Citizens bill na maglilibre sa mga mga senior citizens sa pagbabayad ng 12 porsiyentong value added tax.
Ayon kay Pimentel, marapat lamang isulong ng gobyerno ang kapakanan at interes ng mga lolo at lola bilang pagkilala sa naibahagi nila sa ekonomiya ng bansa, partikular sa panahong malakas pa ang kanilang pangangatawan.
Ginawa ni Pimentel ang reaksiyon dahil sa ulat na nagbanta umano ang Pangulo na ibi-veto o ipapawalang-bisa ang pinaghirapang batas ng Kongreso.
Sinabi naman ni Sen. Pia Cayetano, isa sa nagsulong ng panukalang batas, hindi naman kalakihan ang perang mawawala sa gobyerno para ipagkait ang 12 percent na VAT exemption.
“The estimated foregone revenues of P54.4-million is a small loss to government compared to society’s gains from improved health care and increased purchasing power that our elderly are bound to gain. It’s not a compelling reason to deprive our elders of the quality of life they deserve,” paliwanag ni Cayetano.
Idinagdag ni Cayetano na tapos na ang papel ng mga mambabatas sa pagkakaloob ng karagdagang benepisyo sa mga senior citizen at dahil pirma na lamang ang kailangan sa panukalang ito ay wala na silang magagawa kundi ang umapela na lamang sa Pangulo na huwag itong ipa-veto. (Malou Escudero)