573 Pari na-high blood
MANILA, Philippines - Mahigit 500 pari ang tumaas ang presyon habang dumadalo sa 2nd National Congress of Clergy (NCC) kamakalawa.
Ayon kay Dr. Ricardo Ledesma, head ng Medical Team ng NCC, kahapon ay dalawang pari na hindi pinangalanan ang isinugod sa San Juan de Dios Medical Center sa Pasay City sa ika-apat na araw ng pagtitipon matapos makaranas ng matinding pananakit ng dibdib.
Nabatid kay Ledesma na mula nang umpisahan ang NCC noong Lunes (Enero 25), daan-daang pari na ang nagpa-konsulta sa kanila dahil sa sakit na hypertension.
Noong Lunes aniya, umabot sa 105 na pari ang nagpa-check-up sa kanila, 233 naman noong Martes at 233 ulit noong Miyerkules.
Ipinaliwanag ni Ledesma, na masyadong emosyonal ang sessions na ginagawa sa NCC at posibleng isa ito sa mga dahilan kaya naging dahilan nang pagsumpong ng hypertension ng ilang pari.
Samantala, ikinabahala rin naman ni Ledesma ang tila pagdami ng mga Pari na nakakaranas ng hypertension at heart problems.
Dahil dito, iminungkahi nito na ang bumuo ng isang comprehensive health program ang Simbahang Katoliko para sa mga nagkakasakit na pari.
Maituturing kasi aniyang inactive ang lifestyle ng mga Pari, at katunayan nito ay iilan lamang sa mga ito ang aktibo sa sports. Posibleng isa rin ito sa naging dahilan kaya maraming pari ang nagkakaroon ng heart problem.
Pinayuhan rin naman ng manggagamot ang mga pari na mag-ehersisyo ng regular at magkaroon din ng regular relaxation, at dapat ay dalawang beses na sumailalim sa executive check-ups kada taon, lalo na ang mga may edad na.
- Latest
- Trending