MANILA, Philippines - Tuluyan na ring ibinasura ng Commission on Elections (Comelec) Second Division ang ikalawang disqualification case laban kay Pangulong Arroyo na isinampa ni Akbayan Rep. Riza Hontiveros.
Sa petisyon ni Hontiveros, nais nitong tutulan ang pagtakbo ni Arroyo sa pagka-kongresista ng ikalawang distrito ng Pampanga.
Ayon kay Comelec Second Division Presiding Commissioner Nicodemo Ferrer, kulang sa merito ang nasabing kaso na isinampa ni Hontiveros.
Aniya, hindi naman tumatakbo ang petitioner sa kaparehong posisyon na target ni Arroyo kaya’t wala silang nakikitang valid grounds para magprotesta ang petitioner.
Dismayado naman si Hontiveros sa kinahinatnan ng kaso kaya balak niya itong iakyat sa Kataas-taasang Hukuman.
Kamakailan ay ibinasura din ng Comelec ang petisyon ni Atty. Elly Pamatong na sumentro sa artikulo ng Konstitusyon na hindi na maaaring muling tumakbo ang isang presidente ng bansa. (Doris Franche)