Expanded Senior Citizens bill bitin pa, pag-aaralan muna ng Malacañang
MANILA, Philippines - Pag-aaralan pa ng Malacañang ang magiging epekto sa ekonomiya ng Expanded Senio Citizens bill na ipinasa ng Senado kamakalawa bago lagdaan ni Pangulong Arroyo upang maging ganap na batas.
Ayon kay Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar, bagama’t walang pagtutol ang gobyerno sa pagbibigay kalinga at dagdag karapatan sa mga senior citizens ay titimbangin pa rin ni Pangulong Arroyo ang magiging epekto ng karagdagang benepisyong ito sa ating ekonomiya.
Sabi ni Olivar, malaking kabawasan kasi sa makokolektang buwis ang ipinasang batas kaya dapat munang pag-aralan ito.
Ipinaliwanag pa ni Olivar, puwede namang ibalik ng Pangulo sa Kongreso ang inaprubahang panukalang batas kung sa tingin ng Palasyo ay lubhang makakaapekto ito sa tax collections ng gobyerno.
Magugunita na ipinasa ng Senado ang Expanded Senior Citizens bill na nagpapanukalang maging exemp ted ang mga senior citizens sa pagbabayad ng 12 percent Expanded Value Added Tax (EVAT). (Rudy Andal)
- Latest
- Trending