Senado hindi patas - Nene
MANILA, Philippines - Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel, Jr. ang umano’y pagiging “bias” ni Senate President Juan Ponce Enrile at ng mayorya sa Senado na dumalo si Senador Manuel “Manny” Villar, Jr., sa sesyon gayong si Senador Panfilo “Ping” Lacson na sangkot sa Dacer-Corbito Double murder case ay hindi nila nagagawang puwersahang mapadalo o mabitbit sa sesyon.
Nauna rito ay nagpalabas ng sulat si Enrile sa mga senador na inoobliga ang mga ito na dumalo sa sesyon matapos na mawalan ng quorum noong nakaraang linggo dahilan upang hindi matalakay ng Senado ang ilang mga panukalang batas.
Nais ding puwersahang padaluhin ni Enrile ang mga senador sa session upang magkaroon ng quorum sa kabila ng ilan sa mga liban ay nasa official mission abroad at official business kung saan kabilang si Lacson.
Hindi tuloy naitago ni Pimentel ang pagtataka kung anong meron si Lacson at tila pinoprotektahan ito ni Enrile.
Nabatid na bagamat nagpaalam sa kanya noong nakaraang taon si Lacson na lalabas ng bansa ay hindi naman niya tiyak kung nakabalik na ito o hindi pa.
Inamin ni Enrile na nagpadala ng liham si Lacson na siya ay mayroong official business kaya’t hindi nakadadalo sa session.
Hindi naman tiyak ni Enrile kung anong official business ang ginagawa ni Lacson at kung nasaang lupalop ito ng bansa o sa buong mundo.
Aminado pa si Enrile na hindi din niya tiyak kung dadalo pa o hindi na si Lacson sa sesyon ng dalawang kapulungan ng kongreso na nakatakdang mag-sine die adjourn sa Pebrero 5. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending