MANILA, Philippines - Kung may “double insertion” na sinisiyasat sa Senado ay may “double billing” naman sa lalawigan ng Quezon hinggil sa ginawang kalsada sa bayan ng Mulanay.
Sa isang media forum sa Lami restaurant, Quirino grandstand sa Maynila kahapon, ibinunyag ni Mulanay ex-Councilor Mabini “Benny” Asia ang umanoy maanomalyang ‘road project” sa Mulanay San Francisco road ng nasabing lalawigan.
Bunsod nito ay naghain ng kasong plunder si Asia sa Office of the Ombudsman laban sa apat na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na umano’y sangkot sa alingasngas.
Sa apat na pahinang isinampang kaso sa Ombudsman ni Asia laban kina District Engr. Rogelio Rejano, OIC-Assistant Engr. Marcelito Ferrer, Engr. Jorge Pacia at OIC-Chief Contruction Section Oscar Capio ay sinasabing dalawang beses umanong “naningil” ang mga akusado sa tatlong road project na matagal ng binayaran ng gobyerno.
Ayon kay Asia, nagkakahala ng tig-P20milyon ang bawat isang proyekto na binayaran na ng gobyerno noong 2002 at 2004 pero noong 2009 ay naniningil pa ng P60-milyon ang mga akusado para sa tatlong road project na makikita sa Poblacion to Solcom, bahagi ng Divisoria at Matataja Mulanay. Quezon.
Hinihiling din ni Asia sa Ombudsman na kagyat na patawan ng “preventive suspension” ang mga akusado para hindi maimpluwensiyahan ang kanilang kinakaharap na kaso. (Mer Layson)