Kontrata ng Stradcom pinabubusisi
MANILA, Philippines - Pinabubusisi ng transport group na Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide kung bakit napatagal pa ng hanggang 2013 ang kontrata sa Land Transportation Office ng IT company na Stradcom Corporation gayong sa orihinal na kontrata ay 2010 ay tapos na dapat ito.
Ayon kay Goerge San Mateo, secretary general ng Piston, patuloy pa rin ang pag-bogged down ng mga computers ng Stradcom na may hawak ng computerization program ng LTO at hindi pa fully computerized ang lahat ng LTO offices nationwide gayung lampas 10 taon na itong nagse serbisyo sa naturang ahensiya at nakalikom na ito ng bilyon-bilyong piso sa pamamagitan ng pagsingil ng umaabot sa P169 kada transaksyon.
Bukod pa anya ito sa pinasok ng Stradcom na Radio Frequency Identification Device (RFID) project na ‘di umano dumaan sa bidding.
Sa planong RFID ng Stradcom, bagamat sinasabi nitong sa Oktubre 2010 pa darating ang reader ng date base para sa RFID, naipatupad na agad ito noong Enero 4,2010.
Nangangamba ang Piston na kung magpapatuloy ang Stradcom na magserbisyo pa sa LTO, maaaring magdulot lamang ito ng hindi mahusay na serbisyo sa taumbayan sa kabila ng patuloy na pagbabayad sa LTO ng mga motorista para sa serbisyo sa rehistro ng mga sasakyan at pagkuha ng drivers license. (Butch Quejada)
- Latest
- Trending