Cerge nailibing na

ARGAO, CEBU, Philippines - Naihatid na sa huling hantungan si Press Secretary Cerge Remonde sa Argao Parish Cemetery kahapon ng hapon.

Aabot sa 3,000 katao ang nakipaglibing kay Sec. Remonde na binigyan ng 21-gun salute bilang military honor bago ito tuluyang ipasok sa kanyang nitso sa kanilang mausoleo. May designation din si Remonde na ranggong Lieutenant Colonel bilang AFP reservist.

Naghagis ng mga bulaklak ang mga kaaanak, kaibigan at opisyal ng pamahalaan sa puntod ni Remonde.

Nagpasalamat naman si Mrs. Marit Remonde sa lahat ng nakiramay. Nakipaglibing kahapon sina Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, Vice-President Noli de Castro, mga miyembro ng Gabinete, media personalities at mga kaibigan ng yumaong Palace official.

Magugunita na inatake sa puso si Remonde noong Martes bandang alas-11:51 ng umaga sa kanyang tinitirhan sa Bel-Air village, Makati City. (Rudy Andal)

Show comments