MANILA, Philippines - Sampung general ng Armed Forces of the Philippines ang kuwalipikado bilang kapalit ni AFP Chief of Staff Gen. Victor Ibrado na magreretiro na sa Marso 9, dalawang buwan bago ang eleksiyon.
Ayon sa isang opisyal sa militar, ang pagpili sa susunod na AFP chief ay hindi lamang nakatuon kay Army Commanding General Lt. Gen. Delfin Bangit, na sinasabing paborito ni Pangulong Arroyo.
Si Bangit ay miyembro ng Philippine Military Academy Class 1978 kung saan si Pangulong Arroyo ay isang “adopted classmate.”
“Kwalipikado si Bangit ngunit marami ang may kasing husay niya. May mga kaklase siya na gustong maging AFP chief of staff,” wika ng opisyal na ayaw magpakilala.
Binanggit niya ang mga matataas na opisyal ng “Masikap” Class ‘77 at “Magilas” Class of ‘76 na kinukunsidera para sa posisyon.
Aniya, si Bangit ay pinakapopular at pinaka-kontrobersiyal sa mga kandidato dahil sa pagkakaugnay ng Class 78 kay Pangulong Arroyo.
Bukod kay Bangit, ang iba pang kandidato para maging AFP chief of staff ay sina Air Force Chief Lt. Gen. Oscar Rabena (Class 78), Maj. Gen. Reynaldo Mapagu (Class 78), commander, National Capital Region Command; Gen. Nestor Ochoa (Class 77) , commander, National Development and Support Command; Gen. Ricardo David (Class 77), commander, Northern Luzon Command; Roland Detabali (Class 78), commander Southern Luzon Command (Solcom); Gen. Ralph Villanueva (Class 78), commander, Central Command; Gen. Raymundo Ferrer (Class 77), commander, Eastern Mindanao Command; Gen. Ben Dolorfino (Class 76), commander, Western Mindanao Command at Navy Flag Officer in Command Ferdinand Solis Golez (Class 76).
Ang mga hiling ng pagpapahaba ng termino ni Ibrado ay lumalakas bago ang kanyang pagreretiro sa edad na 56.
Sinasabi ng ilang mambabatas na kaalyado ng Pangulo na baka gamitin ni Pangulong Arroyo ang Class 1978 upang manatili siya sa puwesto.
Nauna rito, sinabi ng Magdalo, isang grupo ng “reformist military officer”, na ang pagpapahaba ng termino ni Ibrado ay mas mabuti kaysa sa paghirang ng isang hindi popular na kandidato bilang AFP chief of staff. (Joy Cantos)