MANILA, Philippines - Inaasahang magpapalabas na ng desisyon ang mababang korte kung dapat nang ipaaresto o hindi si Senator Panfilo Lacson matapos magsumite na ng kaniya-kaniyang posisyon ang magkabilang partido kaugnay sa mosyon ng senador.
Una nang naghain ng mosyon si Lacson sa kinakaharap na two counts of murder sa sala ni Manila Regional Trial Court Judge Myra Garcia-Fernandez, Branch 18, na maresolba muna ang pagdetermina ng probable cause o sapat na batayan sa kaso ng pagpatay kina publicist Salvador “Bubby” Dacer at driver na si Emmanuel Corbito.
Naisampa ang kaso laban sa senador sa reklamo ng apat na anak ni Dacer na sina Carina Lim, Sabina Reyes, Emily Hungerford at Amparo Henson, na ibinatay din sa naging testmonya ni dating Senior Supt. Cesar Mancao, noong Peb. 14, 2009 at sa mga ebidensiyang ipinrisinta ng National Bureau of Investigation (NBI).
Sakaling maglabas ng warrant of arrest ang korte, maaring makulong si Lacson dahil hindi na umano maigigiit ang ‘immunity’ kung ang kaso ay may katapat na parusang kulong na mahigit sa 6 na taon, ayon sa NBI. (Ludy Bermudo)