Baril at preso pina-iimbentaryo ni Verzosa
MANILA, Philippines - Ipinag-utos na ni Philippine National Police (PNP) Chief Director General Jesus Verzosa ang mahigpit na pag-iimbentaryo sa mga baril at bilanggo sa mga kulungan dahil sa umano’y paggamit sa mga ito ng ilang politiko sa mga illegal na gawain.
Ayon kay Verzosa, magsasagawa ng security inspection ang PNP sa mga kulungan na sakop ng lokal na pamahalaan para matiyak na kumpleto ang mga preso at hindi nagagamit sa anumang krimen gaya ng umano’y paggamit ng ilang politiko sa mga preso ng Masbate Provincial Jail.
Mahigpit din iniutos ni Verzosa na doblehin ang pagsisikap para mabuwag ang mga Private Armed Group hindi lang sa Masbate kundi sa buong bansa. Unang nahuli ang jail warden ng Masbate sa isang checkpoint dahil sa pagbibitbit nito ng baril sa kabila ng umiiral na total gun ban.
Ang Masbate ay itinuturing na hotspot sa tuwing magdaraos ng halalan.
Samantala, pumalo na sa 382 katao ang mga nahuhuli sa Comelec gun ban. Kabilang sa naaresto ay 314 sibilyan, 29 miyembro ng PNP, 25 militar habang 14 naman ay mga opisyal at empleyado ng gobyerno. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending