MANILA, Philippines - Pinayuhan ni outgoing US Ambassador to the Philippines Kristie Ann Kenney si incoming US Ambassador Harry Thomas Jr. na maging maingat sa pagbibigay ng komento sa mga isyung may kinalaman sa pulitika sa bansa.
Ayon kay Kenney, maituturing kasing mainit ang emosyon ng mga Pinoy sa ngayon dahil sa nalalapit na eleksyon sa bansa sa Mayo 10, na itinuturing ng mga Pinoy na isang mahalagang kaganapan. Kakausapin niya si Thomas para ipaliwanag dito na ibang-iba ang eleksyon sa Pilipinas kumpara sa Amerika.
Kasabay nito, pinayuhan din ni Kenney si Thomas na bukod sa pag-aaral ng Tagalog, dapat din nitong alamin ang iba pang mahahalagang bagay tungkol sa Pilipinas.
Sabi pa ni Kenney na kahit pa tutol at hindi sang-ayon ang mga Pinoy sa US policy, bukas naman ang mga ito sa pakikipag-usap, at marami rin aniyang magagandang ideya na matututunan si Thomas mula sa kanila. (Mer Layson)