MANILA, Philippines - Humingi na ng saklolo kay Pangulong Gloria Arroyo ang grupo ng Ople Center at Migrante International para mailigtas ang isang Pinay OFW na nakatakdang bitayin sa Saudi Arabia.
Ayon kay Ople Center President at Senatorial bet Susan Ople, dapat umaksiyon agad ang Department of Foreign Affairs para magpadala ng high level team sa Saudi Arabia para mapababa ang parusang bitay sa habambuhay na pagkabilanggo laban kay Jatakia Pawa, 31, tubong Zamboanga, matapos masampahan ng kasong pagpatay sa anak ng kanyang amo noong Abril 2008.
Aniya, inosente si Pawa sa naturang kaso kaya dapat lang na tulungan ng gobyerno.
Iginiit ni Ople na dapat samantalahin ng Pilipinas ang royal pardon na ibinibigay ni King Abdullah sa kaso ni Pawa para hindi ito mabitay.
Aniya, mula Disyembre 11,2009 ay siyam na Filipino pa lang ang nabigyan ng pagpapatawad ng hari ng naturang bansa. Si Pawa din ang ika-pitong OFW na mabibitay sa ilalim ng termino ni Pangulong Arroyo sakaling hindi mabigyan ng commutation ng hari.
Sa talaan ng Migrante, mula 2001 ay anim na OFW na ang nabitay na kinabibilangan nina Antonio Alvesa, Sergio Aldana, Miguel Fernandez, Wilfredo Bautista, Reynaldo Cortez at Jennifer Beduya. Ito ay dahil na rin umano sa kahinaan ng proteksiyon na ibinibigay ng gobyerno para sa mga OFW’s na nakukulong at nabibitay sa kabila ng pagiging inosente sa kaso tulad ni Beduya na ipinagtanggol lang ang sarili laban sa kanyang rapist ngunit nabigyan lamang ito ng abogado ng DFA sa ikatlong pagdinig na ng kaso nito.