MANILA, Philippines - Isang magnitude 5.3 lindol ang naramdaman sa Bicol region kahapon ng alas-10:02 ng umaga.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum Jr. ang pagyanig ay nangyari sa ilalim ng dagat may 148 kilometro sa Catanduanes dahil sa paggalaw ng Philippine Trench at tectonic ang origin.
Bunsod nito, naramdaman ang lindol sa lakas na intensity 4 sa Legaspi City, gayundin sa bayan ng Camalig at Bacacay sa Albay.
Naramdaman naman ito sa Intensity 3 sa mga bayan ng Viga at Virac, Catanduanes.
Wala namang napaulat na naapektuhan ang lindol sa mga tao at mga ari-arian. (Angie dela Cruz)