Senior Citizens bill madidiskaril sa iringan nina Enrile, Angara
MANILA, Philippines - Malaki ang posibilidad na hindi maratipikahan ng Senado ang Expanded Senior Citizens bill para mailibre sa pagpapabayad ng Value Added Tax ang mga matatandang nasa 60-pataas ang edad dahil sa iringan sa pagitan nina Senate President Juan Ponce Enrile at Senator Edgardo Angara.
Inamin kahapon ni Majority leader Juan Miguel Zubiri na maaaring maapektuhan ang mga panukalang batas na kanilang inihahabol kasama na ang Expanded senior citizens bill na pumasa na sa bicameral conference committee ngunit kinakailangan pang maratipikahan ng Senado.
Ang iringan ng dalawang Senador ay nag-ugat matapos na makatanggap ng impormasyon si Enrile na balak itong ikudeta bilang Senate president at papalitan ito ni Angara kaya naman umapela si Zubiri kay Enrile na ikonsidera ang kanyang posisyon dahil tiyak na nagkakatampuhan lang anya ang mga ito.
Nangangamba si Zubiri na tuluyan ng hindi mararatipikahan ng Senado ang naturang batas kung masesentro na naman sa ibang usapan ang kanilang sesyon.
Kabilang sa benepisyong matatanggap ng mga senior citizen sa oras na ito ay maisabatas ay ang pagkakaroon ng P2,000 death benefit assistance, P1,500 na buwanang stipend, pagkakaroon ng “senior citizens ward’ sa lahat ng ospital ng gobyerno at ang libreng bakuna laban sa influenza virus. (Malou Escudero)
- Latest
- Trending