MANILA, Philippines - Isinampa noong Enero 18 ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Taguig City Regional Trial Court ang isang motion for reconsideration na humihiling na baligtarin ng korte ang desisyon nitong nagpapalaya sa ilang miyembro ng tinaguriang Tinga Drug Syndicate.
Sinabi ng hepe ng legal division ng PDEA na si Atty. Alvaro Lazaro hinihiling nilang ibalik sa kulungan ang mga suspek na magkapatid na sina Fernando at Alberto Tinga at pamangkin ng mga ito na si Allan Carlos Tinga.
Sinabi ni Lazaro na ikinagulat nila ang desisyon ni Judge Raul Villanueva noong Dis. 9, 2009 na nagpalaya sa mga suspek.
Sinabi ng PDEA na makikita sa kanilang mosyon ang determinasyon nilang maipakita sa korte na sapat ang ebidensya nila laban sa mga Tinga.
Kung matatandaan, dismayado ang PDEA at sinabing tila “Home Town Decision” ang desisyon ni Judge Villanueva laban sa mga miyembro ng naturang sindikato.
Nagbigay kamakailan ng listahan si dating Dangerous Drugs Board Chairman Tito Sotto kay Pangulong Arroyo ng mga lokal na opisyal na may kaugnayan sa illegal na droga. (Butch Quejada)