MANILA, Philippines - Patay na din ng matagpuan ang isa pang Filipino peacekeeper mula sa gumuhong hotel sa Haiti matapos ang malakas na lindol dito noong Enero 12.
Ayon kay Foreign Affairs for Migrant Workers Affairs Undersecretary Esteban Conejos Jr., nakita na ang labi ni Air Force Sgt. Janice Arocena mula sa gumuhong Christopher Hotel sa Port-au-Prince, kaya naman tanging ang mga overseas Filipino workers na sina Feraldine Calican at Grace Fabian ang pinaghahanap na lang ng mga rescuers sa Carribean Supermarket.
Nakatakda na rin aniya ang repatriation o paglilikas sa daang Pinoy na apektado ng lindol matapos na magpaalam ang 69 Pinoy na nais na nilang makauwi sa bansa.
Una ng narekober ang bangkay nina Army Sgt. Eustacio Bermudez; Jerome Yap, staff member ng United Nation at Philippine Navy Petty Officer 3 Pearlie Panangui, mula sa gumuhong gusali ng naturang hotel.
Inaantabayanan na rin ng DFA ang go-signal na manggagaling sa Haiti government para naman sa pagpapadala ng karagdagang Filipino peacekeepers sa Haiti. (Ellen Fernando/Joy Cantos)