MANILA, Philippines - Inendorso ng liderato ng De La Salle University (DLSU) si Lakas-Kampi-CMD standard bearer Gilbert “Gibo” Teodoro Jr. sa darating na May 2010 elections kasabay ang paniniwalang si Gibo ang tanging pag-asa ng Pilipinas.
Sinabi ni Bro. Roland Dizon, dating pangulo ng DLSU System, si Teodoro lang ang maaaring maging pag-asa ng bansa dahil sa angkin nitong talino, galing at kakayahan para pamunuan ang bansa.
Iminungkahi din ni Dizon kay Teodoro na mas mangampanya sa mga kabataan kaya dapat dalawin ang mga estudyante sa iba’t-ibang unibersidad at kolehiyo sa bansa dahil dito magsisimula ang iba’t-ibang suporta sa kanya mula sa ibang sektor.
Ang endorsement ni Dizon kay Teodoro ay binasa ni Ernest Maceda sa isang pagtitipon ng Batch 81 ng Xavier at Mahal Ko Bayan Ko na ginanap sa Manila Polo Club sa Makati City. Kapwa alumni nito sina Teodoro at Maceda.
Agad din nagpasalamat si Teodoro sa suportang tinanggap at sinabing layon niyang kapantay ng Pilipinas ang mga kalapit-bansa nito at maging lider ng Asia Pacific region. (Rudy Andal)