Video ng massacre tinulugan ni Andal Jr.
MANILA, Philippines - Wala ni katiting na emosyon sa halip ay tinulugan lamang ng pangunahing suspect na si Mayor Datu Andal Ampatuan Jr., ang presentasyon ng video footage ng paghuhukay sa 57 biktima ng Maguindanao massacre sa pagpapatuloy ng pagdinig sa karumal-dumal na krimen, sa Camp Crame kahapon.
Habang hindi napigilan ng mga kamag-anak ng mga nasawing biktima ang mapaluha na napilitang magsipag-walkout sa loob ng court room ay dinaan naman ito ni Andal sa panguya-nguya ng chewing gum.
Sa kainitan na rin ng pagpi-play ng video na nakunan ng testigong si Gerry Atanaso, videographer/photographer ng pamahalaang lokal ng Sultan Kudarat ay mistulang batang ilang beses na nag-flex ng kaniyang leeg ang parelax-relax na si Andal na binalewala ang presentasyon.
Nagpahid rin ng liniment sa ulo, batok at ilong si Andal hanggang sa maidlip ito ng ilang beses na nagigising lamang kapag tinatapik at hinahawakan sa balikat ng isa sa kaniyang mga legal counsel.
Sa tindi ng emosyon ay napilitan ring mag-walkout ng courtroom si Gemma Oquiendo, kapatid ng dalawa sa minasaker na napaluha matapos mapanood ang makapanindig balahibong footage kung saan ilan sa mga biktima ay biyak ang bungo, putol na ang kamay at binti habang kinukuha sa massacre site.
Napatakbo naman sa comfort room at napasuka si Atty. Harry Roque, legal counsel ng pamilya ng mga minasaker na journalist matapos na hindi nito makayanan ang presentasyon ng sensitibong video.
Sinabi ni Atanaso na inatasan siya ni Sultan Kudarat Gov. Suharto Mangudadatu na tumulong sa PNP at NBI sa pagkuha ng footage sa massacre site sa Brgy. Salman, Ampatuan, Maguindanao noong Nobyembre 24 o isang araw matapos na maganap ang krimen. (Joy Cantos)
- Latest
- Trending