MANILA, Philippines - Wala pa rin katiyakan kung maisasama sa kasong rebellion at mutiple murder si Autonomous Region in Muslim Mindanap Governor Zaldy Ampatuan.
Ayon kay Justice Secretary Agnes Devanadera, inihahanda pa ng Department of Justice–special prosecution panel ang demanda laban kay Zaldy Ampatuan dahil wala pang matibay na ebidensiya laban dito para maisabit sa Maguindanao massacre noong Nobyembre 23, na ikinasawi ng 57-katao kabilang ang 32-miyembro ng media.
Ang naturang gobernador ay nakakulong sa Camp Fermin G. Lira Jr., sa General Santos City habang si Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan Jr., ay nakakulong ngayon sa National Bureau of Investigation at sa Davao City naman nakadetine ang amang si Maguindanao Governor Andal Ampatuan Sr.
Ayon pa sa Kalihim, kumpirmadong nasa Malacanang si Zaldy Ampatuan noong araw ng trahedya.
Ang ARMM governor ay inaresto nang ipataw ang martial law sa Maguindanao.
Samantala, sinabi ni University of the East (UE) College of Law Dean Amado Valdez, “If there is no solid evidence linking Zaldy to the killings, then he is being presumed as “guilty by association.”
“That is to say the fault of one is the fault of all, just because he is a close relative of the principal accused,” sabi pa ni Dean Valdez.
Samantala, naniniwala naman si Devanadera na hindi pagbibigyan ng Quezon city Regional Trial Court ang kahilingan ni Ampatuan Jr., na makapagpiyansa kung mabigat ang ebidensiya na naihain ng prosecution.
Aniya, sa ilalim ng batas, hindi maaaring magpiyansa kapag ang kaso ay may karampatang parusa na habambuhay na pagkabilanggo. (Mer Layson/Gemma Garcia)