MANILA, Philippines - Wala nang hadlang sa pagtakbo ni dating Pang. Joseph ‘Erap’ Estrada sa May 10 elections matapos ibasura ng Korte Suprema at Commission on Elections ang petisyon na kumokontra sa kanyang kandidatura.
Sa inilabas na resolusyon ng Comelec Second Division kahapon, ibinasura nito ang iba’t-ibang petisyon na inihain nina Atty. Oliver Lozano, Evillo Pormento at Elly Pamatong noong nakaraang buwan na humihiling sa pagbasura ng kandidatura ni Erap.
“Let the people decide who will be the next president,” diin pa ng resolusyon na pirmado ng buong dibisyon sa pangunguna ni Comm. Nicodemo Ferrer. Sinabi pa ng Comelec na walang batayan ang mga nasabing reklamo at”nagsayang lang ng oras” ang komisyon sa pagdinig sa mga ito.
Ang tagumpay ni Erap sa Comelec ay kasunod naman ng pagtuldok din ng Korte Suprema sa isang pang katulad na reklamo na ihihain sa korte ng grupong tinawag na ‘Vanguard of the Philippine Constitution’ (VPCI) noong nakaraang taon.
Una nang ibinasura ng SC ang reklamo ng VCPI noong Disyembre 8, subalit umapela ang grupo at muling sinopla ng SC noong Martes.
Ikinatuwa naman ni Estrada ang naturang desisyon ng Comelec at sinabing ito ay tagumpay ng taumbayan at ng demokrasya ng bansa. Malaki din ang paniniwala ng kampo ni Estrada na tataas na ang rating nito ngayong nadesisyunan na ng Comelec ang kandidatura nito.
Hindi natapos ni Erap ang kanyang termino matapos ang mahigit dalawang taon pa lamang na kanyang panunungkulan noong 2001.
Ani Erap, ang ‘constitutional ban’ na ipinipilit ng kanyang mga kalaban ay malinaw na para lamang sa mga ‘incumbent’ o sa kasalukuyang pangulo.
Samantala, ibinasura din ng Comelec ang disqualification case na isinampa ni Pamatong laban kay Pangulong Gloria Arroyo dahil wala pa rin batayan para pagbawalan ang isang pangulo na lumahok sa eleksiyon para sa mas mababang posisyon. Habang nakabinbin pa rin ang disqualification case na isinampa ni Akbayan Rep. Riza Hontiveros laban kay Arroyo.
Si Pangulong Arroyo ay tatakbo bilang kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga.