MANILA, Philippines - Dapat na umanong gumawa ng kaukulang aksiyon o “precautionary measures” ang gobyerno hinggil sa magiging epekto ng El Niño sa larangan ng Agrikultura sa bansa.
Sa isang media forum sa Maynila, sinabi ni Agricultural Sector Alliance of the Philippine (AGAP) Partylist Rep. Nicanor “Nick” Briones na dapat magpatawag ng “Agri Summit” ang pamahalaan at imbitahan ang lahat ng sector na posibleng tamaan ng nalalapit na tagtuyot.
Bunsod ito ng ulat na ngayon pa lamang ay unti-unti ng bumababa ang level ng tubig sa mga dam sa bansa at kailangan ng magbawas ng supply ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) sa kanilang mga costumer sa Metro Manila.
Aniya, dapat na umanong irehabilitate ng mabilisan ang lahat ng “irrigation facility” na pinagkukuhanan ng patubig ng mga magsasaka na sinira ng mga nakalipas na mga bagyo.
Nangangamba ang AGAP sa posibleng pagkakaroon ng “food shortage” sakaling hindi handa ng gobyerno sa pananalasa ng El Niño na ang unang tatamaan ay ang mga magsasaka.
Kapag lumiit ang ani ng mga magsasaka lalo ng palay at mais ay tiyak na tataas ang presyo ng bigas, baboy, manok at baka, ayon pa sa AGAP. (Mer Layson)