55 Maguindanao bets ibinasura

MANILA, Philippines - Bukod sa diskuwa­lipikasyon, posibleng maharap rin sa ibang election offense ang may 55 kandidato, ka­bilang ang mga reelectionist politicians, mula sa lalawigan ng Maguin­danao, matapos na mabigong patunayan na rehistradong botante sila sa kani-kanilang munisipalidad na kakandidatuhan.

Batay sa Commission on Elections en banc Minute Resolution No. 09-0946, diniskuwalipika ang may 55 kandidato na kinabibi­langan ng 42 miyembro ng Lakas-Kampi-CMD at 13 independent candidates na pawang lalahok sa local elections sa naturang lalawigan.

Sa bayan ng Datu Saudi Ampatuan, kabilang sa mga diniskuwalipika ay isang vice-mayoralty candidate at tatlong kandidatong konsehal.

Sa Shariff Saydona Mustapha, diniskuwalipika rin ang isang vice-mayoralty candidate at siyam na kandidatong konsehal habang sa Shariff Aguak naman ay hindi pinayagang makatakbo sa halalan ang isang kandidatong mayor, isa sa pagka-bise alkalde at anim na kandidatong konsehal.

Ang mga naturang kandidato ay maaari ding maharap sa paglabag sa Omnibus Election Code. (Mer Layson)

Show comments