Jason Ivler nalambat
MANILA, Philippines - Matapos ang halos dalawang buwang pagtatago, nalambat na ng pinagsanib na puwersa ng Quezon City Police District at National Bureau of Investigation si Jason Ivler, ang American national na suspek sa pagpatay sa anak ng isang opisyal na Malakanyang noong nakalipas na taon dahil sa simpleng away sa trapiko.
Si Ivler, na tadtad ng tatoo sa katawan at nagpatubo rin ng bigote at balbas at naka-bullet proof vest ay malubhang nasugatan matapos makipagbarilan sa mga umaarestong operatiba.
Ayon kay QCPD Director Chief Superintendent Elmo San Diego, nagtamo ng tama ng bala sa sikmura, at kaliwang balikat si Ivler dahilan upang maging seryoso ang kalagayan nito sa Quirino Memorial Medical Center.
Bukod kay Ivler, sugatan din ang isang NBI agent na si Anna Labao, na nadaplisan ng bala sa dibdib bagaman ligtas na sa kanyang kalagayan sa isang ospital.
Nabatid na isinagawa ang pagsalakay at pagdakip kay Ivler kahapon ng umaga sa bahay ng ina nitong si Marlene Aguilar-Pollard sa 23 Hillside Avenue, Blue Ridge Subdivision, Quezon City.
Nadiskubre ng NBI mula sa isang bodyguard ng stepfather ni Ivler na matagal nang nagtatago ang suspek sa naturang bahay.
Subalit, habang nakikipagnegosasyon ang operatiba kay Pollard, tumanggi itong ilabas si Ivler hanggang sa makarinig ng sunud-sunod na putok mula sa tahanan ng una.
Dahil dito, napilitan ang mga operatiba na pasukin ang nasabing bahay sa pamamagitan ng paggamit ng mga hagdanan paakyat sa mataas na gate ng bahay bago tuluyang makapasok kung saan sa palitan ng putok ay tinamaan si Ivler at sugatan ang isang ahente ng NBI.
Narekober kay Ivler ang isang baby armalite at isang kalibre 45 baril na ginamit nito sa naturang engkuwentro.
Samantala, ayon kay San Diego, maaring maharap sa kasong obstruction of justice si Pollard dahil na rin sa pagtatago nito sa isang kriminal.
Naakusahan si Ivler sa pagpatay kay Renato Ebarle Jr., anak ni Presidential Chief of Staff Undersecretary Renato Ebarle Jr., dahil sa simpleng away trapiko noong November 18, 2009 sa may corner ng Santolan Road at Ortigas Avenue sa Pasig City.
Si Ivler ay pamangkin ng singer na si Freddie Aguilar at stepson ni Asian Development Bank economist Stephen Pollard na kasal kay Marlene Aguilar.
Nakubkob sa basement/stockroom si Ivler ng composite team ng NBI at nagsalita pa ito na ‘Kill me, kill me”, matapos siyang unang magpaulan ng bala.
Bukod kay Pollard, kakasuhan din ng NBI ang dalawang houseboy nito dahil sa pagtatago kay Ivler.
- Latest
- Trending