MANILA, Philippines - Walang kinalaman si Department of Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno sa kasong disqualification na isinampa ng grupong Ako’y Moro sa Commission on Elections laban kay Senador Miriam Santiago na tumatakbong muli sa darating na halalan.
Ito ang nilinaw kahapon ng abogado ng Ako’y Moro na si Atty. Bonifacio Alentajan na nagsabing nilapitan lang siya at hinilingan ng naturang grupo na katawanin niya ito sa petisyon nito sa Comelec para ipatanggal si Santiago sa listahan ng mga kandidatong senador.
“‘Yan ang nangyari dyan kaya malinaw walang pakialam dito si Sec. Puno,” paliwanag ni Alentajan. “Wala rin akong personal na relasyon kay Sec. Puno dahil siya ay galing sa Ateneo at ako naman ay sa University of the Philippines katulad ni Sen. Santiago.”
Ayon pa kay Alentajan, personal na kilala ni Santiago ang lider ng Ako’y Moro na si Atty. Nombraan Pangcoga dahil nagkasama ang mga ito sa tanggapan ni dating Executive Secretary Rafael Salas.
Noong Disyembre 21 ay nagpetisyon sa Comelec si Atty. Pangcoga, na alisin si Santiago sa listahan ng mga tatakbong kandidato sa Senado sa May 10 elections dahil “unsound” umano ang pag-iisip nito.